
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga residenteng naapektuhan ng malaking sunog sa Parola Compound sa Binondo.
Sa pagbisita ng pangulo sa Delpan Evacuation Center, inanunsyo nito na makatatanggap ang bawat pamilya ng hindi bababa sa ₱40,000 ayuda, kabilang ang ₱10,000 cash assistance at ₱30,000 rebuilding assistance mula sa National Housing Authority para makatulong sa muling pagpapatayo ng kanilang bahay.
Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang pamamahagi ng hygiene kits, family food packs, at iba pang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at lokal na pamahalaan ng Maynila.
Bukod pa ito sa ipamamahaging tulong pinansyal ng Manila Local Government Unit (LGU), at building materials mula sa DHSUD.
Ngayong umaga ay personal na dinalaw ng Pangulo ang mga naapektuhang residente at namahagi ng tulong.
Aabot sa mahigit 2,000 pamilya ang naapektuhan ng sunog habang daan-daan pa rin ang nananatili sa evacuation centers matapos mawalan ng tirahan.










