
Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) na isabay na ang plebisito na gaganapin sa Naga City sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ay para sa pagdedeklara ng lungsod bilang isang highly urbanized city alinsunod sa Proclamation No. 1267 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ngayong araw nang magtungo si Naga City Mayor Leni Robredo sa tanggapan ng Comelec para magsumite ng request na isabay ang plebisito sa BSKE sa darating na Nobyembre.
Ayon kay Robredo, sa pamamagitan nito ay posibleng mas marami ang makaboto lalo’t mababa aniya ang turnout ng ibang mga nagdaang plebisito.
Makakatipid din aniya sa gastos lalo’t nasa P50 million ang inaasahang kakailanganin sa pagsasagawa ng plebisito.
Sinabi pa ni Robredo na tuloy-tuloy ang kanilang gagawing pag-iikot sa buong Naga City para ipaalam sa publiko ang halaga kapag isa nang highly urbanized city ang lungsod.










