HINIHINALANG TULAK NG ILEGAL NA DROGA, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA STA. BARBARA

Arestado ang isang lalaking pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) Sta. Barbara sa Barangay Maticmatic, Sta. Barbara, Pangasinan, madaling-araw noong Hulyo 16, 2026.

Kabilang umano ang suspek sa Target Intelligence Packet ng mga awtoridad.

Nahuli ang suspek matapos niyang iabot sa isang poseur buyer ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng mga puting mala-kristal na butil na pinaghihinalaang shabu kapalit ang buy-bust money.

Nakumpiska mula sa suspek ang isa pang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, at iba pang ebidensya.

Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng PNP Sta. Barbara para sa karagdagang dokumentasyon at wastong disposisyon. Isasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakuhang pinaghihinalaang ilegal na droga at sa drug test examination ang naarestong suspek sa Urdaneta City Forensic Unit sa Urdaneta City, Pangasinan.

Batay sa paunang pagsusuri, umabot sa humigit-kumulang 1.5 gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang pinaghihinalaang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na ₱10,200. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments