Pinalakas ng Pamahalaang Lungsod ng San Carlos ang kakayahan ng mga health at nutrition worker sa tamang pagtugon sa acute malnutrition ng mga bata sa pamamagitan ng dalawang araw na pagsasanay na isinagawa noong July 9–10, 2026 sa Villa Lamari, Barangay Coliling.
Isinagawa ang pagsasanay sa ilalim ng City Nutrition Committee bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026. Tampok sa programa ang Training of Health and Nutrition Workers on the Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition (PIMAM), na naglalayong mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa maagang pagtukoy, wastong pangangasiwa, at agarang pagre-refer ng mga batang nakararanas ng acute malnutrition.
Mahalaga umano ang naturang pagsasanay upang matiyak na ang bawat batang nangangailangan ng interbensiyong pangnutrisyon ay makatatanggap ng maagap at angkop na pangangalaga.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng pamumuno nina City Mayor Julier Resuello, City Vice Mayor Joseres Resuello, at Dr. Luisa Cayabyab, City Nutrition Action Officer at City Population Officer, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pangnutrisyon sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











