Saturday, July 11, 2026

Halos 1,000 pasahero, stranded sa mga pantalan dahil kay Bagyong Inday

Pumalo na sa 997 pasahero, truck driver, at cargo helper ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa epekto ng Bagyong Inday.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-kuwatro ng umaga ngayong araw, Hulyo 11, hindi nakabiyahe ang 261 rolling cargoes, 12 sasakyang-pandagat, at 33 motorbanca dahil sa masamang lagay ng panahon.

Kung kaya apektado ang 62 na pantalan sa Southern Tagalog, North Western Luzon, Southern Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Palawan, North Eastern Luzon, Central Visayas, Western Visayas, at Bicol Region.

Pinakamaraming na-stranded na pasahero ang naitala sa Southern Tagalog na may 272, sinundan ng Western Visayas na may 253, at Central Visayas na may 186.

Samantala, 162 vessels at 151 motorbancas ang pansamantalang huminto sa mga ligtas na lugar upang makaiwas sa panganib na dulot ng malalakas na hangin at matataas na alon.

Patuloy namang mino-monitor ng PCG ang sitwasyon sa mga pantalan at pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa mga shipping line at lokal na awtoridad para sa pinakahuling abiso hinggil sa mga biyahe.

Facebook Comments