
Sinuportahan ng Department of Energy (DOE) ang mga prayoridad sa sektor ng enerhiya na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) kahapon, Hulyo 27.
Partikular ang layuning gawing mas abot-kaya, maaasahan, at matatag ang suplay ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, handa ang DOE na isakatuparan ang mga direktiba ng Pangulo sa pamamagitan ng mga programa, pamumuhunan at repormang pambatas na magpapababa sa gastos sa kuryente at magpapalakas sa seguridad ng enerhiya.
Kabilang sa mga hakbang na binigyang-diin ng ahensiya ang mga panukalang pag-amiyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), pagtanggal ng mga hindi kinakailangang singil sa konsyumer, at pagsusulong ng Sariling Kuryente Act upang maging mas abot-kaya at madaling ma-access ng mga pamilya ang rooftop solar panels at battery storage systems.
Binigyang-diin din ng DOE ang pagpapatuloy ng pagpapalawak ng renewable energy projects, paglinang sa mga lokal na pinagkukunan ng enerhiya, pagpapahaba ng operasyon ng Malampaya gas field, at pag-aaral sa paggamit ng nuclear energy bilang bahagi ng pangmatagalang estratehiya ng bansa sa enerhiya.
Ayon sa ahensya, halos 10,000 megawatts ng karagdagang kapasidad sa power generation at mahigit 1,700 megawatts ng energy storage capacity ang inaasahang maidaragdag sa pamamagitan ng mga kasalukuyang proyekto upang mapahusay ang pagiging matatag at maaasahan ng power grid.
Tiniyak ng DOE na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa Kongreso, mga regulator, lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang maisulong ang modernisasyon ng sektor ng enerhiya at matiyak ang mas abot-kaya at ligtas na suplay ng kuryente para sa mga Pilipino.










