
Tiwala ang House prosecution team na magbabago ang resulta ng mga survey sa oras na mailatag sa impeachment trial ang lahat ng ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito nina House prosecution Adviser and Spokesperson Robert Ace Barbers at Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., kasunod ng mataas na satisfaction rating na nakuha ni VP Duterte sa Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Hunyo.
Paalala ni Tolosa, hindi rin mataas ang suporta ng publiko sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noon, ngunit matapos maipresenta ang mga ebidensya ay umani ito ng suporta mula sa publiko.
Kaya naman, apela ni Tolosa sa mamamayan na huwag pangunahan ang proseso. Sa halip, subaybayan ito upang mapakinggan at masuring mabuti ang mga ebidensya.
Diin naman ni Barbers, hindi mahalaga kung sino ang popular dahil ang proseso ng impeachment ay hindi popularity contest o beauty pageant, kundi isang mekanismong nakapaloob sa Saligang Batas upang panagutin ang matataas na lider ng bansa na lumalabag sa batas at Konstitusyon.










