Saturday, July 18, 2026

Flood control scam, kasama sa iimbestigahan ng Senado sa pagbabalik ng sesyon sa July 27

Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na kabilang ang imbestigasyon sa flood control scam sa mga gagawin ng mataas na kapulungan sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa July 27.

Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga nakalinyang imbestigahan ng Senado ang mga anomalya sa flood control programs, gayundin ang school shooting sa Tacloban at ang paghahanda sa El Niño.

Hiwalay pa ito sa pagdinig para sa 50 prayoridad na panukalang batas sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na kailangang aksyunan, gayundin ang pambansang pondo para sa 2027.

Paliwanag ni Gatchalian, kailangan nilang pagsabay-sabayin at tapusin ang mga nabanggit, kasama ang impeachment trial, dahil kung hindi ay malaki ang magiging epekto nito sa pagbagal ng ekonomiya.

Sinabi rin ng Senate President na dahil sa dami ng sabay-sabay na trabahong kailangang tapusin ng Senado, iminungkahi niya ang pagtatalaga kay Senator Chiz Escudero bilang presiding officer.

Facebook Comments