
Nananawagan ang House Prosecution Team sa publiko na tutukan ang mga ebidensyang lumalabas sa impeachment trial at huwag pansinin ang mga ikinakalat na mali o pekeng mga impormasyon.
Ayon kay House Prosecutor Representative Joel Chua, ebidensya lang ang dapat maging batayan sa gagawing paghusga kay Vice President Sara Duterte at hindi ang mga baluktot na kuwentong pinalulutong sa social media.
Diin ni Chua, sila sa prosecution ay pawang katotohanan lang and nais maihatid sa mamamayan kaya sinisikap nilang gumamit ng lenggwahe na mauunawaan ng ordinaryong Pilipino.
Binanggit naman ni House Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan, na karapatan ng publiko na mabigyan ng tumpak na mga impormasyon kaugnay sa mga ebidensya at argumento na inilalatag sa paglilitis kay VP Sara.
Giit pa ni Kapunan, pananagutan ang dapat na sentro ng talakayan kaugnay sa impeachment proceeding at hindi ang mga hashtags, personal na pag-atake at iba pang salaysay na walang batayan na siyang pinamamayagpag online o sa internet.










