
Ininspeksyon ni Public Works Secretary Vince Dizon ang Remedios Pumping Stations sa Malate, Maynila.
Ito’y upang makita ng kalihim ang operasyon ng naturang pumping stations at para malaman na rin kung maayos ang proseso ng paghigop ng tubig upang maiwasan ang pagbaha.
Una nang nag-deploy ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mobile booster flood pumps para mas palakasin ang paghigop sa mga tubig upang maiwasan ang pagbaha.
Nagdagdag rin ng mobile pumping stations ang Department Of Public Works And Highways (DPWH) para mas mabilis na mahigop ang mga tubig para maiwasan na ang pagbaha.
Sinabi ni Dizon na kailangan madagdagan ang mga kagamitan o makina ang pumping stations para mabilis na humupa ang tubig baha sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.
Napag-alaman ni Dizon na nagkaproblema at nasira ang ilang makina sa mga pumping stations sa Remedios, Abad Santos at P. Faura dahil sa basura pitong buwan na ang nakakalipas kung kaya’t ginagawan nila ito ngayon ng paraan.
Bukod dito, binuksan rin ng mga tauhan ng DPWH-NCR ang mga drainage para mano-manong tanggalin, linisin at hakutin ang mga nakabarang basura, lupa at mga burak para magtuloy-tuloy ang daloy ng tubig.










