
Kinumpirma ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na pinadalhan sya ng Show Cause Order (SCO) ng Senate Impeachment Court kaugnay sa posibleng paglabag sa sub judice rule.
Ayon kay Ridon, iginagalang niya ang kapangyarihan ng Senate Impeachment Court sa bagay na ito at magsusumite sya ngayong araw ng paliwanag.
Sa kabila nito ay binanggit ni Ridon na patuloy nyang pamumunuan ang paglalatag sa impeachment trial ng ikalawang Article of Impeachment patungkol sa Unexplained Wealth ni Vice President Sara Duterte.
Tiniyak din ni Ridon na patuloy nilang ipapaliwanag sa taongbayan ang itinatakbo ng paglilitis kay VP Sara sa paraang mauunawaan nila at sang-ayon sa gabay at patakaran ng impeachment court.
Umaasa naman si Ridon na magiging patas ang pagpapatupad sub judice rule, kung saan pagtuunan din sana ang mga pahayag ni VP Sara na maituturing na pag-atake sa integridad ng impeachment court at mga senator-judges.
Binanggit naman ni Ridon na bukod sa kanya ay pinadalhan din ng show cause order ng Impeachment Court si House Private Prosecutor at legal Spokesperson Atty. Benjamin Jay Tolosa Jr.










