
Tiwala ang Department of Justice (DOJ) sa kahandaan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa posibleng pagtakas ng sinumang nakapiit gamit ang drone.
Pahayag ito ng kagawaran kasunod ng ulat na isang South Korean drug lord umano nagtangkang tumakas habang nakakulong sa Pilipinas.
Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman Dato, nasa South Korea na ang naturang dayuhan mula pa noong Marso at wala aniyang na-monitor na ganitong pagtatangkang tumakas habang nakakulong.
Nang tanungin naman kung iimbestigahan ng kagawaran ang umano’y special treatment ng dayuhan habang nakakulong, sinabi ni Dato na handa silang imbestigahan ang anumang matatanggap nila.
Sa kabila nito, masyado pa raw maaga o premature kung gumawa sila ng aksyon kung pagbabatayan lamang ay mga impormasyon na hindi tukoy ang pinagmulan.










