
Kasado na bukas, October 22 ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs ukol sa ₱3.5 billion na drug shipment sa Laos bukod sa Thailand na pawang tinangkang ipasok sa Pilipinas.
Ayon sa chairman ng Komite na si Las Piñas Representative Mark Anthony Santos, tutukan ng pagdinig ang mga detalye ng nabanggit na shipment at ang update sa imbestigasyon hinggil dito ng mga kaukulang ahensiya.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang koneksyon sa Pilipinas na nabanggit na drug shipment sa Laos at Thailand.
Sabi ni Santos, susundan ng komite ang mga ebidensya at ang naging papel ng mga indibidual o personalidad na sangkot.
Inaasahan na bilang resulta ng imbestigasyon ay mailalatag ang nararapat na batas para mapigilan ang aktibidad sa Pilipinas ng transnational drug-trafficking syndicates.
Kabilang sa mga pinapaharap sa pagdinig ng Kamara ang mga pinuno o opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Coast Guard (PCG), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Dangerous Drugs Board, Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Anti-Money Laundering Council (AMLC).










