
Kinumpirma ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio ang naging papel nito sa paglalabas ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Sa Day 18 ng Impeachment Trial, ipinakita ni Atty. Mae Divinagracia ng prosecution team ang disbursement voucher ng confidential funds na P125 million.
Kinumpirma ni Ortonio na binigyan siya ng awtorisasyon ni Vice President Sara Duterte bilang head ng agency na mag-apruba ng pagbayad at pag-withdraw ng confidential funds.
Sinabi ni Divinagracia na dahil may awtorisasyon ni VPSD, ibig sabihin mismong ang bise presidente ang nag-apruba sa paglalabas ng pondo.
Kinumpirma rin ni Ortonio ang disbursement o paggastos ng OVP sa confidential funds sa loob ng 11 araw.
Samantala, sinabi ni Ortonio na noong pumasok siya sa OVP noong July 2022 ay wala pang confidential fund at wala ring confi funds ang predecessor ni Duterte na si dating VP Leni Robredo.
Nag-request lamang aniya noon ng confidential fund ang OVP sa ilalim ni Duterte sa pamamagitan ng request letter na ipinadala sa Department of Budget and Management (DBM) noong August 2022.
Tinukoy naman ni Divinagracia na walang naka-specify na activities kaugnay sa national security at peace and order sa ipinadalang liham sa DBM.
Pinaghanda ng DBM ng physical at financial plan ang OVP pero ito ay hindi na dumaan kay Ortonio at wala pa ring nakasaad na projects, programs at activities na may kaugnayan sa national security at peace and order.
Si Ortonio ay deklaradong ikalawang hostile witness ng prosecution team, ibig sabihin hindi panig sa prosekusyon ang nasabing testigo.










