Sunday, October 18, 2026

Mga ebidensya na ipinrisenta sa impeachment trial laban kay VP Duterte, iti-turn over sa Ombudsman

Iti-turn over ng House prosecution panel sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensya na ipinrisenta sa Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ito ay tugon nila sa panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa prosekusyon para sa mga dokumento at iba pang mga ebidensya na may kaugnayan sa maling paggamit ni VP Sara ng confidential funds.

Ang hakbang ng prosekusyon ay kasunod ng pasya nito na i-atras ang tatlong articles of impeachment na kinabibilangan ng mga alegasyon sa maling paggamit ng confidential funds, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at kanyang pamilya.

Ito ay dahil tutukan na lang ng prosekusyon na isulong sa impeachment trial ang alegasyon na mayroong hindi maipaliwanag na yaman si VP Duterte na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.

Paalala ni Chua, nagturn-over din noon sa ombudsman ng committee report ang pinamumunuan nyang House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa imbestigasyon nila ukol sa confidential fund expenditures ni VP Duterte.

Facebook Comments