
Tatlong araw na titigil sa pagkakatay at pagbebenta ng baboy ang mga lokal na magbababoy simula bukas, Huwebes hanggang Sabado, dahil sa patuloy na pagkalugi ng kanilang sektor.
Kasabay nito, magsasagawa rin sila ng kilos-protesta sa Biyernes upang manawagan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan.
Ayon kay AGAP Party-list Representative Nicanor “Nikki” Briones, umaabot na sa ₱5,000 hanggang ₱7,000 ang lugi sa bawat ulo ng baboy.
Sa tinatayang 50,000 baboy na kinakatay kada araw, umaabot umano sa ₱250 milyong ang kabuuang pagkalugi ng mga magbababoy araw-araw.
Babala ni Briones, kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, posibleng higit kalahati ng mga magbababoy ang malugi, bukod pa sa mga tuluyan nang nagsara ng kanilang negosyo.
Dahil dito, nananawagan sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na itaas sa 30% hanggang 40% ang taripa sa imported na karne ng baboy, itigil muna ang pag-iisyu ng import permits, at taasan ang reference value na ginagamit ng Bureau of Customs (BOC).
Umaasa naman ang grupo na sa pamamagitan ng kanilang tatlong araw na pagtigil sa operasyon, mapapansin ng pamahalaan ang kanilang hinaing, lalo na kung magkakaroon ng kakulangan sa sariwang karne ng baboy sa mga pamilihan.










