Ikalawang pagdinig ng Kamara ukol sa fake news at misinformation, umarangkada na

Umarangkada na ngayong araw ang ikalawang pagdinig ng House Tri Committee ukol sa pamamayagpag ng fake news, misinformation, disinformation, at malinformation lalo na sa social media.

Pangunahing binubusisi ngayon sa pagdinig kung nakapagbabayad ng tamang buwis ang mga media influencers at vloggers kaya naman kasama ngayon ang kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Anti Money Laundering Council (ALMC).

Inaasahang tututukan din ng komite ang umano’y pagpapakalat ng fake news sa social media sa tulong ng China, partikular sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at sa pampulitikang propaganda na pumapabor sa mga kakampi nitong politiko sa bansa.


Dumadalo rin sa hearing ngayon si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela at mga kinatawan ng iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Justice (DOJ).

Ilang mga vloggers at social media influences ang dumalo ngayon pero hindi pa natutukoy kung kasama rito ang 38 vloggers at social media personalities na pinadalhan ng show cause order.

Samantala, kasama ring inimbitahan sa hearing ngayon si Atty. Claire Castro na isa sa mga anchor ng DZXL News program na Usapang Batas at aktibo rin sa social media.

Facebook Comments