
Ibinida ng pamunuan ng Department of Transportation o DOTr-Special Action and Intelligence Committee on Traffic na sa loob lamang ng tatlong oras na operasyon ay nakahuli ang mga operatiba ng naturang mga ahensiya ng mahigit 40 mga pasaway na dumaraan ng EDSA Busway.
Ayon kay Kim Asis, media coordinator ng DOTr-SAICT, nakabilang sa mga nahuli as of 8 AM ay limang private vehicle, isang taxi at 35 mga motorsiklo.
Paliwanag pa ni Asis na isa sa nahuli ay ang Indian national na sakay ng motorsiklo na walang anumang kaukulang dokumento.
Dagdag pa ng opisyal na wala ring maipakitang lisensya sa pagmamaneho ang Indian national dahilan para i-impound ang kanyang sasakyan.
Nabatid na galing ng Cubao at patungo sa bahagi ng North EDSA ang Indian national para maningil ng pautang nang mapara ng mga awtoridad.
Dahil dito, muling iginiit ng SAICT ang mahigpit na pagbabawal dumaan ng hindi awtorisadong sasakyan sa EDSA Bus Carousel lane na nakalaan lamang sa mga pampublikong bus, emergency vehicles katulad ng ambulansya, fire trucks, at iba pang marked vehicles ng pamahalaan na tumutugon sa mga emergency.