Isang bagong Rice Paddy Art ang inaasahang matutunghayan sa Alaminos City sa loob ng isang buwan matapos makumpleto ang pagtatanim ng iba’t ibang uri ng palay sa City Technology Demonstration Farm sa Barangay Tangcarang.
Sa isang maghapong pagtutulungan ng mga farmer-leaders, mga guro at mag-aaral ng Alaminos City National High School, at mga kawani ng pamahalaang lungsod, naisagawa ang pagtatanim ng purple rice at iba pang variety ng palayna bubuo sa ikatlong Rice Paddy Art ng lungsod ngayong taon.
Bukod sa pagpapakita ng potensyal ng teknolohiya sa pagsasaka, layunin ng proyekto na mas mahikayat ang mga kabataan na maging interesado sa agrikultura at modernong pamamaraan ng pagsasaka.
Bahagi rin ito ng programa ng pamahalaang lungsod na palakasin ang agri-tourism at gawing isa sa mga benchmarking site sa Region 1 ang Alaminos para sa pagpapaunlad at modernisasyon ng sektor ng agrikultura.
Ayon sa pamahalaang lungsod, makalipas ang humigit-kumulang isang buwan ay maaari nang makita ng mga bibisita sa Demo-Farm ang buong anyo ng Rice Paddy Art, na muling naisakatuparan sa tulong at gabay ng PhilRice. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










