Tuesday, August 11, 2026

Mahigpit na pagsusuri sa 2027 NEP, tiniyak ng liderato ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na mananatiling bukas sa publiko at transparent ang proseso ng mahigpit na pagbusisi na gagawin ng Kamara sa panukalang 2027 National Budget.

Sinabi ito ni Dy makaraang maisumite na ngayon sa House of Representives ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2027 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P7.2 trillion.

Ang ceremonial turn over ay pinangunahan ni Budget Secretary Kim Robert De Leon, kasama ang iba pang nga opisyal ng ahensya.

Ayon kay Dy, simula noong nakaraang taon ay nagpatupad sila ng mga reporma para sa mas mahigpit na pagsusuri sa pambansang pondo.

Pangunahing binanggit ni Dy ang pagtatag ng Budget Amendments and Review Subcommittee o BARSC, at live-streaming of bicameral meetings.

Diin ni Dy, titiyakin ng Kamara na matutupad ang layunin ng 2027 NEP na ilagay ang sambayanang Pilipino sa sentro ng paggasta ng pamahalaan kaya uusisain nila sa bawat ahensya ang kongretong ibubunga ng pondong ilalaan sa kanila.

Ang proposed 2027 National Budget ay mas mataas ng 6% kumpara sa P6.793 trillion na pondo ngayong taon.

Facebook Comments