TOP 3 MOST WANTED SA BAYAN, ARESTADO SA BAYAMBANG SA KASONG STATUTORY RAPE

Isang akusado sa kasong statutory rape ang naaresto ng mga awtoridad sa Bayambang, Pangasinan, matapos ipatupad ang warrant of arrest na inisyu ng korte.

Ang operasyon ay isinagawa ng intelligence operatives ng 105th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB 1) bilang lead unit, katuwang ang 304th Maneuver Company RMFB 3, Police Intelligence Team (PIT) Pangasinan, Regional Intelligence Unit 1 at Bayambang Municipal Police Station.

Ang akusado ay kabilang sa Top 3 Most Wanted Person sa municipal level at Top 8 sa regional level, batay sa inilabas na police report.

Ang kaso ay may kaugnayan sa paglabag sa Article 266-A, Paragraph 1 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Article 266-B, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648. Nakasaad sa warrant na walang inirekomendang piyansa.

Matapos maaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at isinailalim muna sa physical at medical examination sa Bayambang District Hospital bago dinala sa Bayambang Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Ayon sa pulisya, patuloy nilang paiigtingin ang pagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maihatid ang hustisya sa mga biktima. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments