
Inilikas sa Taguig Integrated Junior High School ang nasa 20 pamilya o 77 indibidwal mula sa Barangay Tuktukan sa Taguig City bunsod pa rin ng patuloy na malakas na pag-ulan.
Ayon kay Barangay Capt. Suranie Ulanday, mababa lang ang baha sa Kawayanan ngunit mas pinili ng ilang mga residente ang lumikas na lamang para sa kanilang kaligtasan.
Mula pa kagabi ay nasa evacuation center na ang mga residente.
Ngayong umaga ay nagsagawa ng “soup kitchen” ang barangay at patuloy rin ang monitoring sa lugar.
Naglabas naman ng hinaing ang ilang residente sa St. Michael Subdivision sa Taguig City matapos na pasukin ng baha ang kanilang mga bahay.
Ayon sa residenteng si Hermie Padilla, taon-taon na nilang problema ang pagbaha kahit umulan lang at walang bagyo dahil umano sa isang construction na nagbabara sa creek na daluyan sana ng tubig.
Abot binti ang baha sa nasabing lugar.
Samantala, ongoing naman ang pagtatanggal ng natumbang puno at pagsasaayos ng posteng bumagsak sa Barangay Tanyag na nakakasakop sa South Daang Hari matapos ang makaranas ng malakas na hangin at ulan mula pa kagabi.










