Wednesday, August 5, 2026

Pagkakaroon din ni ex-VP Binay ng confidential funds , walang epekto sa lakas ng impeachment case laban sa pangalawang pangulo

Tiniyak ng House prosecution panel na walang epekto sa lakas ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang pagkakaroon din ng confidential funds ni dating Vice President Jejomar Binay.

Binigyang diin ito ni House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. makaraang ilutang sa impeachment trial ng depensa ang isang dokumento noong 2014 na nagsasaad na nabigyan ng Special Allotment Release Order o SARO si Binay.

Patunay ang dokumento na mayroon ding confidential funds si Binay taliwas sa naunang pahayag ni dating Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) State Auditor Roderick Wamil na tanging si VPSD lang ang may confidential funds.

Katwiran ni Tolosa, hindi naman usapin kung sino ang tumanggap ng confidential funds dahil ang mahalagang tanong ay kung “accounted for” ba ang ibinigay kay Duterte alinsunod sa Joint Memorandum Circular 2015-01.

Idinagdag naman ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na ang tinutumbok ng impeachment ay kung nagamit nang tama ang confidential funds ni VP Sara na pera ng taumbayan.

Facebook Comments