
Nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong talagang opisyal para sa regional development at security, kabilang ang mga miyembro at cluster heads ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Executive Committee.
Kasabay nito, ginanap ang ika-9 na pulong ng komite sa Malacañang Palace.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), muling sinuri sa pulong ang galaw at mga taktika ng mga communist terrorist group.
Tinalakay rin ang estado ng Barangay Development Program, mga pangunahing panukalang batas, at mga reintegration program upang mapalakas ang kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad na naapektuhan ng kaguluhan.
Ang NTF-ELCAC ay itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.










