
Hindi pa rin napigilan ng ibinabang ruling ni presiding officer Chiz Escudero ang mga senator-judges sa pagsasalita ng hindi kaaya-aya o naaayon sa impeachment court.
Ito’y sa kabila ng paglalabas ni Escudero ng ruling tungkol sa mahigpit na pagsunod sa sub judice rule ng mga senator judges, mga abogado ng prosekusyon at depensa at maging ang respondent sa kaso na maging maingat sa mga gagamiting salita para mapanatili ang integridad at dignidad ng korte.
Sa pagpapatuloy ng Day 19 ng impeachment trial ngayong hapon, inilarawan ni Senator-judge Ping Lacson na “stupid” ang listahan ng confidential activities para sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na ginawa niya sa gitna ng kanyang pagtatanong sa ikalawang prosecution hostile witness na si OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Iginiit ni Lacson na insulto na “common sense” na hindi man lang binago ang activities sa ilalim ng physical at financial plan para sa confidential funds at sa halip copy-paste lang ang ginawa.
Samantala, sinabi naman ni Senator-judge Raffy Tulfo na nagta-tanga-tangahan lamang si Ortonio sa pagsagot nito sa impeachment court.
Kinwestyon ni Tulfo kung bakit hindi man lang inalam ni Ortonio ang mga informants kung totoong maysakit at talagang pinambili ang confidential funds ng gamot lalo’t si Ortonio ang lumagda sa audit observation memorandum (AOM).
Sarkastikong tinawag din ni Tulfo si Ortonio na “Mr. Smart Guy” at para sa kanya hindi talaga siya kapani-paniwala dahil wala na itong logic at sayang ang pagiging matalino nitong tao.










