
Nanawagan ang Nagkaisa Labor Coalition na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa napaulat na radiation exposure ng dalawang manggagawa ng Davao Mighty Steel Corporation.
Ito ay matapos lumabas sa findings ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagkaroon ng mataas na radiation exposure ang dalawang manggagawa.
Ikinababahala rin ng grupo dahil hindi raw ito ang unang insidente ng radioactive hazard sa isang steel plant ngayong taon.
Noong Mayo nang salakayin ang Philippine Sanjia-Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental kung saan nakumpirma ng ang mataas na radioactivity sa ilang bahagi ng pasilidad.
Dahil dito, nanawagan ang Nagkaisa na alamin kung may kaugnayan ang dalawang insidente at kung may mas malawak na problema sa pagkuha at paghawak ng scrap metal, workplace monitoring at pagpapatupad ng occupational safety rules.
Nanawagan din ang grupo sa Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), and Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang ahensya na magsagawa ng mas mahigpit na inspeksyon at radiation monitoring sa mga steel plant at kaugnay na industriya.
Ayon kay Nagkaisa Chairperson Atty. Sonny Matula, karapatan ng bawat manggagawa ang ligtas at malusog na lugar ng trabaho.
Samantala, hiniling din ng grupo ang proteksyon, medical assistance at tuloy-tuloy na pagbabantay sa kalusugan para sa mga manggagawang posibleng naapektuhan.










