
Dapat imbestigahan ang mga politiko na umano’y tumatanggap ng suporta mula sa China para palakasin ang interes ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos sabihin ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na may mga elected official na pinaghihinalaang tumatanggap ng financial support mula sa China.
Ayon kay Castro, posibleng may hawak nang impormasyon si Teodoro kaya niya ito nabanggit.
Gayunman, hinayaan niyang ang kalihim ang magbigay ng mga detalye kung maaari na itong isiwalat.
Dagdag pa ni Castro, matagal nang napapansin ang umano’y Chinese-linked social media networks na nagtutulak ng anti-Philippine at pro-Duterte content.
Hindi dapat aniya magpagamit ang sinumang politiko sa ibang bansa para manatili sa puwesto dahil maaaring ibang interes ang unahin nito kaysa kapakanan ng Pilipinas.
Nanawagan naman ang Palasyo ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa karapatan at interes ng bansa sa WPS.










