ILANG WATER REFILLINGSTATIONS SA PANGASINAN, NAGHAHANDA SA POSIBLENG PAGTAAS NG DEMAND SA TUBIGDAHIL SA EL NIÑO

Hindi raw umano nababahala ang mga water refilling station sa paparating na El Nino, dahil sa katunayan, ito raw umano ang nakikita nilang oportunidad upang dumami ang kanilang mga consumer.

Handa umano sila sa posibleng pagtaas ng demand sa tubig sa gitna ng inaasahang epekto ng El Niño.

Ayon kay Jane Umagtang, matagal nang nagtatrabaho sa isang water refilling station, hindi naging malaking hamon sa kanilang operasyon ang mga naunang El Niño dahil maaga nilang pinaghahandaan ang posibleng pagdami ng mga bibili ng tubig.

Kabilang sa kanilang paghahanda ang pagtitiyak na sapat ang kanilang suplay upang maiwasan ang pagkaubos ng tubig habang tumataas ang pangangailangan ng mga consumer.

Aniya, nakararanas na rin umano ng panic buying ang ilang mamimili dahil sa pangambang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Dahil dito, doble-kayod din ang kanilang mga tauhan sa paglilinis ng mga galon upang matiyak na sapat ang mga lalagyan para sa mga bibili o magpapadeliver ng tubig.

Samantala, dagdag pasanin naman sa kanilang operasyon ang pagtaas ng presyo ng krudo, na naging dahilan upang madagdagan ng limang piso ang presyo ng mineral water.

Sa kasalukuyan, nasa ₱25 ang isang galon kapag binili sa kanilang puwesto, habang ₱30 naman kapag ipina-deliver.

Sa kabila nito, tiniyak ng water refilling station na patuloy nilang paghahandaan ang posibleng epekto ng El Niño at sisikaping mapanatiling sapat ang suplay ng tubig para sa kanilang mga consumer. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments