MULA KULTURA HANGGANG KALIKASAN: MGA YAMAN NG PANGASINAN, IPINAKITA SA TOURISM SUMMIT

Hindi lamang mga talakayan tungkol sa turismo ang naging tampok sa 2026 Region 1 Tourism Summit.

Dinala rin ang mga tourism stakeholder mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 1 sa mismong mga lugar na nagpapakita ng kultura, kasaysayan at likas na yaman ng Pangasinan.

Hinati sa dalawang grupo ang mga delegado para sa Pangasinan Gallery Crawl at Eco-Tourism Tour.

Sa Gallery Crawl, nasilayan ang mga museo at cultural sites sa central at eastern Pangasinan, kabilang ang Banaan Museum, Mt. Grona Calvary Park and Museum, Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, Binalonan Museum at Sugarcane Mill sa Pozorrubio.

Samantala, mas nakatuon naman sa likas na yaman ang Eco-Tourism Tour.

Kabilang sa mga pinuntahan ang Pangasinan Salt Center at Balingasay River sa Bolinao, Bued Mangrove Park sa Alaminos City, at 100 Islands Lucap Wharf, kasama rin ang Banaan Museum.

Sa pamamagitan ng mga tour, hindi lamang sa larawan o presentasyon nakita ng mga delegado ang mga destinasyon ng lalawigan.

Mismong sa mga lugar nila nasaksihan ang mga kuwento ng kultura, industriya at kalikasan na bahagi ng pagkakakilanlan ng Pangasinan.

Bilang host province ng summit, ginamit din ang pagkakataon upang maipakita ang potensyal ng turismo sa paglikha ng oportunidad para sa mga lokal na negosyo at komunidad.

Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, ang turismo bilang isa sa mga paraan upang mapalakas ang ekonomiya ng Pangasinan.

Sa pagtatapos ng tour, bitbit ng mga delegado hindi lamang ang mga natutunan mula sa summit, kundi maging ang aktuwal na karanasan sa mga lugar na patuloy na nagbibigay-kulay sa turismo ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments