
Nakipagpulong ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga opisyal ng online platform na Discord para paigtingin ang pagtukoy at pagsubaybay sa mga indibidwal na posibleng sangkot sa karahasan at iba pang banta sa internet.
Sa isinagawang virtual meeting nitong Martes ng gabi, Oktubre 6, pinangunahan ni DICT Secretary Henry Aguda at Criminal Investigation and Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Assistant Secretary Alvin Navarro ang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng Discord.
Partikular na tinalakay ang paglaban sa tinatawag na Nihilistic Violent Extremists, mga indibidwal o grupong nagtataguyod ng matinding karahasan, kabilang ang mga maaaring manghikayat ng kabataan sa pamamagitan ng internet.
Kabilang sa pinag-usapan kung paano makatutulong ang Discord sa mga awtoridad sa pagtukoy at pagsubaybay sa mga gumagamit ng platform para sa mga mapanganib na aktibidad.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Isinaayos ang pagpupulong sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Washington, D.C.










