PONDO PARA SA MABILIS NA PAGTUGON SA KALAMIDAD, KABILANG SA ₱337.46-M PANUKALANG BADYET NG ASINGAN SA 2027

Pinalalakas ng Pamahalaang Bayan ng Asingan ang paghahanda nito sa mga kalamidad sa pamamagitan ng panukalang ₱337.46 milyong badyet para sa 2027.

Kasama sa mga pangunahing nakapaloob sa badyet ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund o LDRRMF, na magagamit upang makapaghanda at makabangon tuwing makararanas ng kalamidad.

Isinusulong din ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang pag-apruba ng isang resolusyon na magbibigay-daan sa paggamit ng Quick Response Fund o QRF ng 21 barangay para sa agarang pagtugon sa mga sakuna.

Maaari umanong gamitin ang pondo sa rehabilitasyon ng mga kanal na napinsala ng habagat at mga nagdaang bagyo.

Bukod sa disaster preparedness, kabilang din sa mga prayoridad ng panukalang badyet ang pagpapaunlad ng imprastraktura, serbisyong pangkalusugan, at mga programang para sa mga bata, senior citizen at persons with disabilities.

May tig-₱5 milyon ding inilaan para sa Gender and Development Fund at Public Affairs Fund kung saan susuporta sa mga programa pagdating sa mga serbisyo publiko tulad ng kalusugan, edukasyon at pangkabuhayan.

Iniharap ang panukalang badyet sa Sangguniang Bayan sa isinagawang 2027 Annual Budget Presentation at daraan pa ito sa pagsusuri, pagtalakay at pag-apruba bago maisakatuparan sa susunod na taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments