Wednesday, October 21, 2026

Pagkukulang ng pamahalaan sa umano’y pagtakas ni Atong Ang, paiimbestigahan ng Malacañang

Pinaiimbestigahan ng Malacañang ang posibleng pagkukulang ng mga awtoridad sa umano’y pagtakas sa bansa ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kailangang matukoy kung may nagpabaya at kung sino ang dapat managot sa nangyari.

Kasunod ito ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas umano ng bansa si Ang sa pamamagitan ng backdoor route o hindi opisyal na daanan sa Mindanao.

Sinabi ni Castro na dapat pang higpitan ang seguridad sa mga hangganan ng bansa upang hindi basta makalabas ang mga pugante.

Gayunman, bago manisi sa mga awtoridad, kailangan munang matukoy kung may umiiral nang warrant of arrest laban kay Ang nang umalis umano ito ng bansa.

Si Atong Ang ay pinaghahanap kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero noong 2021 hanggang 2022.

Tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang paghahanap sa mga pugante at ang pagpapanagot sa mga sangkot sa kaso.

Facebook Comments