
Patuloy na gumugulong ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng isang helicopter sa Guimba, Nueva Ecija, na nagresulta sa pagkamatay ng 25-anyos na piloto nito noong Sabado ng hapon.
Sa impormasyon ni Guimba Acting Chief of Police Lt. Col. George Calaud Jr., sa Kampo Krame patuloy silang nangangalap ng ebidensya at testimonya ng mga saksi sa insidente.
Samantala, nai-turn over na sa pamilya ang mga labi ng biktima at iba pang personal na gamit na nakuha mula sa crash site.
Nabatid na umalis ang helicopter mula Maynila noong Sabado ng umaga patungong Baguio upang maghatid ng pasahero. Mula roon, nagtungo ito sa Binalonan Airport sa Pangasinan para mag-refuel.
Sa paunang impormasyon, napansain ng mga opisyal sa Binalonan Airport na hirap nang mag-restart ang makina ng helicopter bago ito muling lumipad bandang alas-4:30 ng hapon.
Ayon kay Calaud, naialis na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang bumagsak na helicopter mula sa crash site habang hinihintay ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.