Wednesday, July 29, 2026

Nagpapatuloy na impeachment trial, hindi makakaapekto sa trabaho ng Kamara

Tiniyak nina House Deputy Speaker La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V at House prosecutor 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez na hindi maaapektuhan ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang trabaho ng House of Representatives.

Kasunod ng pagbubukas ng 2nd regular session ng 20th congress nitong Lunes ay binigyang diin ni Rep. Gutierrez na kayang balansehin ng mambabatas ang kanilang legislative duties, pagsisilbi sa kanilang nasasakupan at ang kanilang tungkulin kaugnay sa proseso ng impeachment.

Sabi naman ni Rep. Ortega, sa pamamagitan ng mahusay na time management o paglalatag ng maayos na schedule ay matutukan ng mga kongresista ang committee hearings, plenary duties at impeachment proceedings.

Hinggil dito ay sinigurado naman ni House Majority Leader Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na magpapatuloy ang momentum ng Kamara sa pagpasa ng mga prayoridad na panukalang batas na prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Binanggit ni Marcos na naipasa na ng Kamara ang 26 sa 52 LEDAC priority measures at target nilang mapagtibay sa mga susunod na buwan ang natitirang mga panukala lalo na ang Pambansang pondo sa susunod na taon.

Facebook Comments