
Aabot sa halos 20,000 mga miyembro ng Better Brighter Movement (BBM) ang inaasahang dadagsa sa Commonwealth Avenue para suportahan ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Maaga pa lamang at kahit matindi ang sikat ng araw sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa harap ng Commission on Audit (COA), matiyagang naghihintay ang mga supporter ni Pangulong Marcos Jr.
Nabatid na dito mismo gaganapin ang rally at watch party ng ika-limang SONA ng pangulo.
Ayon kay Ernel Lectura, presidente ng Better Brighter Movement, ang mga pro-BBM supporters na dadagsa sa lugar ay mula sa 14 na local government units sa Metro Manila.
Aniya, simula nang maupo sa puwesto si PBBM, taon-taon na silang pumupunta sa Commonwealth Avenue tuwing idinaraos ang SONA upang ipakita ang kanilang suporta sa administrasyon.
Iginiit ng grupo na kuntento sila sa naging performance ng pangulo sa nakalipas na taon, bagama’t umaasa pa rin silang may maririnig na mga bagong programa at hakbang na makatutulong sa publiko.
Nabatid na alas-6:00 ng gabi inaasahang magtatapos ang programa ng grupo kung saan wala umanong inaasahang VIP o kilalang personalidad na magbibigay ng talumpati.
Bantay sarado naman ng Philippine National Police (PNP) ang mga kaganapan dito upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa ginaganap na aktibidad.










