Friday, September 18, 2026

Kongresista at private prosecutor sumagot na sa inisyung show cause order ng Senate Impeachment Court

Sumagot na sa show cause order ng Impeachment Court sina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at House Prosecution panel Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. kung saan pinagpaliwanag sila ukol sa paglabag sa Impeachment Rule 18 o sa subjudice rule.

Apat na pahinang verified answer ang isinumite ni Ridon para sa dalawang show cause orders sa kanya ng Impeachment Court.

Ikinatwiran dito ni Ridon na ang kanyang mga sinabi ay “in good faith”, walang intensyon na panghimasukan at pangunahan ang impeachment proceedings at ginampananan lamang niya ang kanyang responsibilidad at commitment bilang myembro ng House prosecution panel.

Sa 23 pahinang verified answer naman ni Tolosa para sa isang show cause order, iginiit niya na hindi siya lumabag sa subjudice rule dahil wala siyang tinalakay na merits ng impeachment cases at ginawa niya “in good faith”ang pagtalakay sa mga bagay na public record na.

Sa susunod na linggo, inaasahan ang pasya ng Impeachment Court kung tatanggapin ang paliwanag ng dalawa.

Ang paglabag sa subjudice rule ay may parusa sa Impeachment Court na una, admonition o pagkastigo at sa mga susunod ay multang P30,000sa bawat paglabag.

Facebook Comments