Monday, October 5, 2026

Impeachment trial, posibleng matapos sa kalagitnaan o katapusan ng Nobyembre ayon kay SP Win Gatchalian

Posibleng mas mapaaga pa ang pagtatapos ng impeachment trial kumpara sa naunang anunsyo na hanggang sa December 16 makakapagbaba ng verdict kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang nilinaw ni Senate President Win Gatchalian sa gitna na rin ng naunang sinabi ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na target tapusin ang paglilitis at makapagbaba ng hatol kay Vice President Sara Duterte bago mag-break sa Disyembre.

Ayon kay Gatchalian, sa kanyang tingin ay makakapagbaba na ng hatol kay VP Duterte sa kalagitnaan o katapusan ng Nobyembre.

Mangangailangan aniya sila ng 30 hanggang 45 calendar days mula ngayon para maisakatuparan ito.

Gayunman, mayroon silang dalawang linggong break sa katapusan ng Oktubre.

Nagkaroon din aniya ng mga pagbabago kaya bumilis ang paglilitis tulad ng pagbawas ng maraming testigo kaya posibleng ngayong linggo o sa susunod na linggo ay matapos na ang Article 2 ng impeachment case o ang unexplained wealth at hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Duterte.

Matapos nito ay agad na isasalang ang Article 3 o ang bribery at depensa na ang susunod na magpiprisinta sa impeachment trial.

Facebook Comments