IMPLEMENTASYON NG ‘NO BACKPACK’ POLICY SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN SA LA UNION, NILINAW

Naglabas ng clarificatory memorandum ang pamunuan ng Schools Division Office sa San Fernando City kaugnay ng pagpapatupad ng ‘No Backpack’ Policy ngayong pasukan.

Nilinaw ni Schools Division Superintendent Shiela Marie Primicias na layunin ng polisiya na matugunan ang ilang insidente ng pagdadala ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng sigarilyo, vape, at ilan pang armas na maaaring ma-itago sa backpack dahil sa posibleng panganib sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa bisinidad ng paaralan.

Bukod dito, iginiit din ang pagbabawal sa pagbibigay ng takdang -aralin tuwing Sabado at Linggo maging ang paglalagay ng iba pang kagamitan tulad ng libro at notebook sa mga silid-aralan upang hindi na kinakailangan pang dalhin ng mga mag-aaral.

Makakatulong din umano na matugunan ang ilang kondisyon sa kalusugan tulad ng scoliosis, maling body posture at pananakit ng likod dahil sa mabigat na backpack.

Samantala, kinwestyon naman ng ilang magulang at guardian ang anunsyo ng polisiya ilang araw bago umano ang pasukan kung kailan nakabili na umano ang karamihan ng gagamiting backpack.

Nanindigan naman ang mga ito na hindi mabisa ang naturang polisiya dahil wala naman umanong locker na pwedeng magamit at maari pang mag-away ang mga mag-aaral dahil sa posibleng pagkawala ng gamit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments