Wednesday, July 1, 2026

INC, huwag sanang magpagamit sa mga pulitiko sa pagsasagawa ng rally ayon sa ilang civic groups

Naniniwala ang grupong Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) na dapat manaig pa rin ang tamang pagpapatupad o due process ng batas para malaman kung may kasalanan o wala ang isang bawat Pilipinong inaakusahan.

Ayon kay ABKD Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang isyu ay higit pa sa pulitika o relihiyon kung saan isa itong pagsubok kung ang mga karapatang Konstitusyonal ay ginagamit nang may pananagutan at paggalang sa batas.

Dagdag pa ni Goitia, nirerespeto niya ang mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa pagsasagawa ng rally pero huwag sana silang magpagamit sa mga oportunistang pulitiko o ng sinumang nagsasamantala sa pananampalataya para sa pansarili o pampulitikang interes.

Aniya, mahalaga rin na sumunod ang bawat isa sa mga patakaran sa pagsasagawa ng rally tulad ng pagkuha ng permit lalo na’t nagbibigay-daan ito sa maayos na koordinasyon, seguridad, at pamamahala ng trapiko upang mapangalagaan ang kapakanan ng nakararami.

Muli rin paalala ni Goitia, ang pinakamalaking laban ay hindi laban sa isa’t isa dahil ang tunay na kalaban ay ang korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, kahirapan, kriminalidad, at lahat ng nagpapahina sa mga institusyon at sumisira sa tiwala ng taumbayan.

Facebook Comments