Monday, June 29, 2026

3 miyembro ng umano’y robbery hold-up group na nakaengkwentro ng pulisya sa NLEX, nakasuhan na —PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nakasuhan na ang tatlong miyembro ng umano’y robbery hold-up group na nakaengkwentro ng pulisya sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong Biyernes.

Ayon kay PNP PIO Chief Police Col. Allen Ray Co, nahaharap sa patong-patong na mga kaso ang mga ito kagaya ng Frustrated Murder, paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA. 9516 o ilegal na pagma-manufacture, pagbebenta at pagkakaroon ng mga pampasabog, RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Direct Assault.

Narekober din sa kanila ang pitong sachets ng ilegal na droga, tatlong hand grenade at isang flashbang, dalawang baril, at isang fired bullet.

Dagdag pa ni Co, responsable sa serye ng holdapan at nakawan sa Batangas, Pampanga at Tarlac ang mga suspek na matagal nang tinutugis ng mga awtoridad.

Samantala, iginiit naman ni Co na nasunod ang rules of engagement sa engkwentro dahil wala namang nadamay na sibilyan.

Bukod dito kanyang sinabi na “required force” o narapat na pwersa lang ang kanilang ginamit bilang ganti sa mga suspek.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa mga kinasasangkutan ng mga naarestong indibidwal.

Facebook Comments