
Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kamalayan at kahandaan ng publiko sa panahon ng kalamidad, naglagay ang lokal na pamahalaan ng Information, Education, and Communication (IEC) materials sa mga pangunahing lugar sa lungsod, kabilang ang Bolo I, Bolo II, at Lucap Wharf.
Layunin ng inisyatibang ito na mapalawak ang kaalaman ng mga residente at mga bumibisita sa lungsod tungkol sa mga hakbang sa paghahanda sa sakuna at iba pang mahahalagang impormasyon ukol sa kaligtasan ng publiko.
Sa pamamagitan ng mga IEC materials, inaasahang mas magiging handa at mulat ang komunidad sa mga posibleng panganib na dulot ng mga kalamidad at iba pang emergency situations. Nakatala rito ang mga paalala at gabay na makatutulong upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa bago, habang, at pagkatapos ng sakuna.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalagang bahagi ng disaster risk reduction and management ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mamamayan upang mabawasan ang panganib at mapalakas ang kakayahan ng komunidad na makabangon sa anumang pagsubok.
Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang lahat na maging mapagmatyag, manatiling may sapat na kaalaman, at makiisa sa mga programang naglalayong palakasin ang katatagan ng Alaminos City laban sa mga sakuna. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










