
Ligtas nang nakalabas sa Persian Gulf ang 1,161 Pilipinong seafarers na na-stranded sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isinagawa ang kanilang pag-alis mula unang linggo ng Abril hanggang Abril 18, batay sa ulat ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sakay ang mga Pilipino sa 22 barko na matagumpay na nakaalis sa lugar.
May 412 seafarers pa ang nasa Persian Gulf, ngunit ligtas at may sapat na suplay naman ang mga ito.
Samantala, nakipagpulong rin si Cacdac sa mga opisyal ng Saudi Arabia upang tutukan ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), at pangunahan ang pagtulong sa repatriation ng mga Pilipino.
Nakauwi na rin sa Pilipinas si Cacdac kasama ang 16 OFWs mula Riyadh at Jeddah.
Sa kabuuan, 7,144 Pilipino na ang napauwi mula sa iba’t ibang bahagi ng Middle East.










