
Tinitingnan na ng Philippine National Police (PNP) ang inisyal na 3D reconstruction sa nangyaring shooting incident sa Senado.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, pinapanuod na sa ngayon ni Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang reconstruction na isinagawa ng forensic group kaugnay ng mga trajectories ng mga bala at iba pa.
Nabatid na nakakuha na ng mga CCTV footages ang PNP sa loob at labas ng Senado na kasalukuyan nang inaanalisa ng mga awtoridad.
Kasama na rin sa mga kinalap na ebidensya ay mga footages ng media pati na ang mga body worn cameras ng National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, hinihiling naman ni General Nartatez na patapusin muna ang kabuuang resulta ng imbestigasyon para maiwasan ang mga haka-haka .
Ang nasabing 3D reconstruction ay proseso na kagaya ng ginawa sa kaso ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral para malaman ang dahilan ng pagkasawi nito.










