
Bubuksan sa Mayo 5 ang International Media Center (IMC) sa Mactan World Museum sa Lapu-Lapu City, Cebu bilang paghahanda sa ika-48 ASEAN Summit at iba pang kaugnay na pulong.
Dito magsasama-sama ang lokal at dayuhang media upang magbalita sa naturang summit na gaganapin sa Mayo 8, kung saan makikilahok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Ang IMC ang magsisilbing sentrong himpilan ng media. Mayroon itong mga working area, briefing rooms, at mabilis na internet para sa live coverage at paggawa ng mga ulat.
Mayroon ding broadcast center para sa TV at online reports, gayundin ang access sa official video at mga larawan ng summit.
May nakahanda ring clinic, kainan, at iba pang pasilidad para sa mga mamamahayag.
Tinatayang nasa 800 hanggang 1,000 media personnel mula sa iba’t ibang bansa ang magko-cover ng naturang event.
Ayon sa pamahalaan, handa na ang Pilipinas sa pagho-host ng ASEAN Summit, kabilang ang maayos na daloy ng impormasyon para sa publiko.










