
Ipinagtanggol ni House Majority Leader Representative Sandro Marcos ang ipinasa ng Kamara na bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill.
Ginawa ito ni Marcos sa harap ng mga kritisismo na ito ay mahina at pinoprotektahan pa ang mga political dynasty sa bansa sa halip na limitahan o pigilan.
Paliwanag ni Marcos, ang bersyon na pinagtibay ng Kamara ay hindi ang nais ng mga nagsusulong nito kundi ang may pinakamaraming suportang nakuha mula sa mga mambabatas.
Dagdag pa ni Marcos, hindi pa naman pinal ang ipinasang panukala ng Kamara dahil ito ay dadaan pa sa Bicameral Conference Committee kung saan malabo itong i-adopt ng Senado.
Sa ilalim ng bersyon ng Kamara ay pagbabawalang kumandidato o humawak ng posisyon ng sabay sa parehong lugar o lokalidad ang magkakapamilya hanggang second degree of consanguinity or affinity.
Saklaw nito ang mag-asawa, magkapatid, mga anak at magulang hanggang sa mga lolo, lola at mga apo.










