Wednesday, June 17, 2026

Minority Bloc, tinanggap na ang pagkakahalal kay SP Win Gatchalian at ang bagong Majority Bloc

Tinanggap na ng Minority Bloc sa Senado ang eleksyon ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Katunayan ay dumalo sa sesyon ng Commission on Appointments (COA) at sesyon ng Senado ngayong hapon ang ilang mga miyembro ng minorya ng Cayetano faction.

Sa special session ngayong hapon ay nag-manifest si Senator Loren Legarda na si Senator Alan Peter Cayetano na ang tatayong Senate Minority Floor Leader para matiyak ang maaayos na pagganap ng mga tungkulin ng buong Senado bilang isang institusyon.

Binati rin ni Legarda si Gatchalian sa pagkakahalal sa kanya bilang Senate President at pinuri niya rin ito bilang masipag, dedicated, matalino, at disiplinadong public servant.

Umaasa naman si Senator Christopher “Bong” Go na sana tapos na ngayon ang gulo para patuloy na silang magtrabaho at magserbisyo at unahin ang interes ng mga Pilipino.

Kasabay naman ni Legarda si Senator Pia Cayetano na dumalo ng sesyon ngayong hapon subalit nang matanong ito kung sinusuportahan ang bagong liderato, pataray nitong sinagot ang media na “common sense” at may 13 na bilang na ang mayorya.

Natanong naman si Senator Imee Marcos kung tapos na ang gulo at kung may pag-asa ba ito sa bagong liderato at ang naging tugon ng senadora ay “hindi naman kami nanggugulo”.

Samantala, nasa sesyon din kanina si Senator Camille Villar habang si Senator Rodante Marcoleta ay dumalo naman ng pagdinig at sesyon ng COA.

Facebook Comments