ISANG BAYAN AT 25 BARANGAY SA ILOCOS REGION, IDINEKLARANG DRUG-CLEARED ‎

Isang bayan at 25 barangay ang idineklarang drug-cleared sa Ilocos Region matapos ang isinagawang ikaapat na deliberasyon at validation ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) noong June 24.

‎Matapos ang masusing pagsusuri, kinilala ng ROCBDC ang bayan ng Carasi sa Ilocos Norte bilang ganap nang drug-cleared municipality.

‎Samantala, 25 barangay mula sa apat na lalawigan ng rehiyon ang nakapasa sa mahigpit na pamantayan para sa pagiging drug-cleared.

‎Kabilang sa mga idineklarang drug-cleared barangay ang anim sa Ilocos Norte, siyam sa Ilocos Sur, pito sa La Union, at tatlo sa Pangasinan.

‎Sa Pangasinan, kabilang sa mga kinilala ang Barangay Poblacion 1 at Barangay Talogtog sa Pozorrubio, gayundin ang Barangay Bolingit sa San Carlos City.

‎Ipinakita rin sa deliberasyon ang patuloy na pagpapanatili ng drug-cleared status ng 944 barangay sa rehiyon, kabilang ang 729 barangay sa Pangasinan, 167 sa Ilocos Sur, at 48 sa Ilocos Norte.

‎Gayunman, dalawang barangay ang hindi pa nabigyan ng drug-cleared status matapos maantala ang kanilang aplikasyon dahil sa kakulangan ng ilang kinakailangang dokumento at rekisito.

‎Inirekomenda ng komite ang agarang pagsunod ng mga ito upang maisailalim sa panibagong ebalwasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments