Nagpaalala ang DECORP sa mga residente ng Sta. Barbara, Pangasinan hinggil sa maayos na pakikipag-ugnayan sa electric service providers, kasabay ng isinagawang Information, Education, and Communication (IEC) campaign noong Hunyo 23, 2026.
Sa gitna ng pagtaas ng insidente ng power interruption tuwing may bagyo at kalamidad, ipinaliwanag ng DECORP kung paano nila isinasagawa ang agarang pagresponde at pagbabalik ng kuryente gamit ang Emergency Response Structure at Incident Management System.
Ayon sa kanila, inuuna umano ang pagpapanumbalik ng kuryente sa mga ospital, water systems, communication lines, at iba pang kritikal na serbisyo para maiwasan ang pagkaputol ng mahahalagang operasyon sa bayan.
Nagbigay rin ng babala ang kumpanya tungkol sa Republic Act No. 11361 o Anti-Obstruction of Power Lines Act, kung saan maaaring mapatawan ng parusa ang sinumang magtatanim ng matatangkad na puno o magtatayo ng istruktura sa ilalim ng power lines.
Bukod sa mga batas, sinabi rin ang mga karapatan at responsibilidad ng mga consumer, kabilang ang proseso ng pag-report ng sira o brownout at paghingi ng tulong sa customer service.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalagang patuloy na sumunod ang publiko sa mga safety guidelines para masiguro ang maaasahang serbisyo ng kuryente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










