Matapos ang insidente sa Tacloban City, sinuyod ng PNP ang mga paaralan sa Pangasinan para paigtingin ang seguridad sa loob at paligid ng mga campus simula Hunyo 23, 2026.
Sa Mangaldan, mahigpit na nagbantay ang kapulisan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Ilang ipinagbabawal na gamit naman gaya ng gunting, cutter, at vape ang kinumpiska ng mga awtoridad sa Malasiqui National High School bilang bahagi ng pagpaigting ng seguridad.
Samantala, pinalakas din ng DCPO ang deployment ng mga police personnel sa mga paaralan sa lungsod, kung saan 41 paaralan ang kabilang sa mga mahigpit na binabantayan.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ni PCOL Roldan O. Suitos, Chief ng City Operations Management Unit (COMU) ng DCPO na nakipag-ugnayan na sila sa City Government, iba pang ahensya, at force multipliers para sa pagpapatupad ng direktiba.
Samantala, paalala naman ng Department of Education (DepEd) sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikado o hindi kumpirmadong impormasyon kaugnay ng insidente, at tanging mga opisyal na pahayag lamang ng mga awtoridad ang dapat pagbatayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










