Kaniya-kaniyang diskarte ang ilang negosyante dito sa Dagupan city kung paano nila bina-budget ang kanilang bill sa kuryente.
Kamakailan, inanunsyo ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) ang pagtaas ng kanilang average selling rate para sa buwan ng Hunyo kung saan mula Php 10.68 kada kilowatt-hour (kWh) noong nakaraang buwan ay nasa Php 11.71 kada kWh ngayong buwan.
Ayon sa DECORP, ang pagtaas ng singil ay dulot ng mas mataas na presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at pagtaas ng transmission rates.
Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang negosyante, sinabi nilang mabigat ang epekto ng pagtaas ng singil sa kuryente lalo na’t nakararanas din sila ng matumal na bentahan.
Bukod sa buwanang bayarin sa kuryente, kailangan din nilang pagkasyahin ang pondo para sa pasahod sa mga empleyado at pagbili ng mga paninda.
Dahil dito, paraan ng ilan sa mga negosyante ang pagbabawas ng paggamit ng mga electric fan at iba pang appliances, at pag-asa na lamang sa malamig na panahon dulot ng madalas na pag-ulan para lang makatipid sa konsumo ng kuryente.
Ayon pa sa ilan, halos dumoble ang kanilang binabayarang kuryente kumpara sa mga nakalipas na buwan.
Dahil dito, may mga negosyanteng isinasaalang-alang na ang pagpapakabit ng solar power system bilang pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang kanilang gastos sa kuryente.
Patuloy namang hinihikayat ng DECORP ang publiko na magsagawa ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya upang makatulong sa pagkontrol ng kanilang buwanang konsumo at bayarin sa kuryente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










